Binata na tangkang magnakaw sa tindahan binaril ng sekyu, utas
LUCENA CITY, Quezon, Philippines — Patay ang isang pedicab driver matapos na barilin ng security guard na humabol sa biktima nang sitahin dahil sa umano’y tangkang panloloob sa isang tindahan sa fishing port ng Barangay Dalahican sa lungsod na ito, kamakalawa ng madaling araw.
Dakong alas-7:45 ng umaga nang matagpuan ang walang buhay ng biktimang si Iverson Frejalde, 19, binata ng Purok 7, Bulihan Santa Teresa ng nasabing barangay.
Nakataob sa kongkretong rip rap na malapit sa dalampasigan ang biktimang may tama ng bala sa likod nang matagpuan ng mga residente.
Base sa salaysay ng mga saksi sa himpilan ng pulisya, noong ala-1:00 ng madaling araw ng Enero 1, 2025 ay nakita ng sekyung si Frederick ang biktima na tinatangkang buksan ang roll up door ng isang tindahan sa bisinidad ng fishing port.
Humingi umano ng tulong si Frederick sa kasamahang sekyu na si Rodel, 38 upang hulihin ang biktima gayunman nang magresponde ito sa lugar ay tumakbo ang biktima.
Sa puntong iyon ay pinaputukan ni Rodel ang biktima gamit ang service firearm saka muling bumalik sa kanyang duty post.
Nang madiskubre ang walang buhay na katawan ng biktima kinabukasan ay itinuro ng isang mangingisda si Rodel na siyang responsable sa pagkamatay ng biktima kaya’t ito ay inaresto.
- Latest