COTABATO CITY, Philippines — Positibong bumabatak ng shabu ang isang pulis nakapatay ng kapwa pasahero nang mamaril sa loob ng sinasakyang bus gamit ang kanyang service pistol at nakasugat pa ng dalawang kapwa pulis sa isang madugong insidente nitong Sabado sa hangganan ng mga probinsya ng Cotabato sa Region 12 at Davao del Sur sa Region 11.
Kinumpirma nitong Martes ni Col. Gilbert Tuzon, Cotabato Provincial Police Offcie director, at ng Police Regional Office-11 sa Davao City na nagpositibo sa drug test si Corporal Alfred Dawatan Sabas, kasapi ng General Santos City Police Station 7 sa Region 12, at suspek sa pagpatay sa isang pasahsero sa bus.
Magugunita na habang sakay ng bus patungong Davao City, nagkaroon ng pag-aaway sa pagitan nina Sabas na noon ay lasing at ng kanyang live-in partner na si Phoenix Marie Javier bago naglabas ang una ng 9mm pistol at namaril nang walang habas sanhi upang masapol ng bala ang pasaherong si Reynaldo Bigno, Jr., isang security guard sa Brgy. Batasan, Makilala, Cotabato.
Sugatan din sa insidente ang dalawang pulis na nagresponde na sina Cpl. Kent Maurith Pamaos at Pat. Russel Love Tapia, kapwa miyembro ng 11th Regional Mobile Force Battalion ng PRO-11, makaraang itigil ng bus driver ang bus sa tapat ng police detachment sa Brgy. New Opon sa Magsaysay, Davao del Sur.
Kilala umanong lasenggo at lulong sa shabu ng kanyang mga kamag-anak si Sabas, taga Kidapawan City, Cotabato habang ang kinakasamang si Javier ay dating naaresto sa shabu entrapment operation sa naturang lungsod nitong Pebrero 2024 ngunit nakalaya kapalit ng pirmadong kasulatan na siya ay magbabago na.