CAVITE, Philippines — Winasak sa pamamagitan ng paglubog sa mga drum ng tubig ang may mahigit sa kalahating milyong piso ng iba’t ibang klase ng mga paputok na nakumpiska sa ilang araw na operasyon ng pulisya sa buong lalawigan.
Pinangunahan ni Police Col. Dwight E Alegre, Cavite provincial director ang pagwasak sa mga nakumpiskang paputok habang ginulungan naman ng firetruck ang may ilang libong piraso ng paputok na “Boga” na kasama sa mga nakumpiska.
Sa kabuuan, nasa P503,853 ang kabuuang halaga ng iba’t ibang uri ng paputok na nakumpiska at winasak na kinabibilangan ng Judas belt, whistle bomb, Fountain, kwitis, sawa, five star, fountains, baby rockets, crying cow, triangulo, lucis, piccolo ang nakumpiska sa buong lalawigan.
Samantala, mahigit sa 1-libong Boga naman ang nakumpiska rin sa lalawigan at karamihan sa mga nahulihan nito ay mga menor-de-edad.
“Ang lungsod ng Bacoor ang pinakamarami sa mga nahulihan ng mga ilegal na paputok habang ang lungsod ng Dasmariñas naman ang may pinakamaraming Boga na aming nahuli” saad ni Col Alegre. Ang pagwasak sa mga ilegal na paputok ay alinsunod sa programang “Ligtas Paskuhan 2024 “ ng Cavite PNP.