MANILA, Philippines — Umiskor ang pinagsanib na elemento ng militar at pulisya matapos masakote ang isang notoryus na lider ng nalalabing puwersa ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) at isa pang rebelde sa isinagawang law enforcement operations sa Davao City nitong Sabado.
Sa report ni Major Gen. Allan Hambala, Commander ng Army’s 10th Infantry Division (ID), kinilala ang nasakote na si na si Benny Flores Mendoza, gumagamit ng mga alyas na Ka Jack, Kikay, Porong at Larry, Political instructor at kasapi ng Southern Mindanao Regional Command Executive Committee (EXECOM).
Arestado rin ang isa pang NPA rebel na kinilala naman si Francisco Rotol Sud-ongan, may alyas na Ka Yassie, Danny at Dino, miyembro rin ng nasabing communist movement.
Ayon sa opisyal sina Mendoza at Sud-ongan ay nasakote nitong Sabado sa St. Andrew, Purok 23 B, Isla Suerte, Brgy 76A, Bucana, Talomo District sa lungsod ng Davao.
Inaresto si Mendoza sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Btanch 56, Compostela, Davao de Oro kaugnay ng paglabag sa Republic Act 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012).
Nakumpiskahan naman ng isang cal. 45 caliber pistol at fragmentation grenade si Sud-ongan na dinakip din ng mga awtoridad.
Isinailalim na sa kustodya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) XI sa San Pedro, Davao City ang mga nasakoteng rebelde.