BARMM nagluluksa sa pagyao ng Maranao leader
COTABATO CITY, Philippines - Nagluluksa ang mga residente ng Lanao del Sur at ng kabisera nitong Marawi City sa pagpapanaw nitong Biyernes ng kanilang dating gobernadora na popular sa Bangsamoro region sa kanyang mga naging programang nagsusulong ng pagkakaisa ng mga Muslim at Kristiyano sa probinsya.
Ang pumanaw na 82-anyos na dating Lanao del Sur Gov. Bedjoria Soraya Alonto-Adiong ay ina ng kasalukuyang gobernador ng Lanao del Sur na si Mamintal Adiong, Jr.
Patuloy ang buhos ng pakikiramay mula pa nitong Sabado ng mga local executives sa iba’t ibang probinsya sa Region 12, Region 10 at sa Bangsamoro region sa pamilyang Alonto at Adiong kasunod ng pagpanaw ng dating gobernadora na anak ni Ahmad Domocao Alonto, nanilbihan bilang senador noong huling bahagi ng 1960s hanggang sa mailagay ang bansa sa ilalim ng martial law noong September 23,1972.
Kabilang sa mga nagpaabot ng pakikiramay sa pamilyang Adiong ang mataaas na opisyal ng Bangsamoro government na sina Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim, Health Minister Kadil Sinolinding, Jr., Labor and Employment Minister Muslimin Sema, Transportation and Communications Minister Paisalin Tago at ang kasalukuyang gobernadora ng Cotabato, si Emmylou Taliño-Mendoza na chairperson ng maimpluwensyang multi-sector Regional Development Council 12 at ang abugadong si Naguib Sinarimbo na dating Bangsamoro local government minister.
Ang namayapa na dating gobernadora ng Lanao del Sur ay kabiyak ng nauna nang pumanaw na si dating governor Mamintal Adiong, Sr.
- Latest