MANILA, Philippines — Niyanig ng 5.6 magnitude ng lindol ang baybayin ng Surigao del Norte na lumikha ng epekto sa kalupaan ng lalawigan nitong Sabado ng umaga.
Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), tectonic ang pinagmulan ng lindol na tumama nasa 35 kilometro sa katimugang silangan ng General Luna ng nasabing lalawigan.
Ang lindol ay may lalim na nasa 58 kilometro at dahil dito’y naramdaman din ang intensity ng lindol sa kanugnog na lalawigan ng Surigao del Sur.
Naitala ang Intensity IV na bahagyang malakas sa mga bayan ng General luna, Del Carmen, San Isidro, Dapa at Claver; pawang sa Surigao del Norte habang intensity 1 naman ang naramdaman sa Bislig City, Surigao del Sur.
Samantala, nasa Intensity III ang tumama sa Tandag City, Surigao del Sur habang Intensity II sa Mambajao, Camiguin; Cebu City; Dulag, Leyte; Gingoog City, Misamis Oriental; Sogod, Southern Leyte.
Naramdaman naman ang Intensity 1 sa Malaybalay City, Bukidnon; Carcar, Cebu; Nabunturan, Davao de Oro; Palo, Leyte at Padre Burgos, Southern Leyte.
Inihayag pa ng Phivolcs na inaasahan nila ang mga aftershocks matapos ang lindol pero hindi na ito lilikha ng pinsala.