COTABATO CITY, Philippines — Isang tindahan ng mga kwitis at paputok ang natupok at 10 pang katabing establisimyento ang nadamay nang sumiklab ang sunog sa palengke ng Barangay Nuro sa Upi, Maguindanao del Norte nitong hapon ng Huwebes.
Umalingawngaw ang mga putok sa kapaligiran sanhi ng pagkasunog ng mga firecrackers sa isa sa 11 na tindahan na tinupok ng apoy.
Maagap namang napigilan ng mga kasapi ng Bureau of Fire Protection at mga emergency responders ng Upi local government unit at mga barangay officials ang pagkalat ng apoy sa palengke ng Barangay Nuro.
Inaantabayanan pa ang kumpletong ulat ng BFP Upi Fire Station hinggil sa insidente.
Ayon naman sa mga barangay officials, sa tindahan ng mga kwitis at paputok nagsimula ang sunog at mabilis na kumalat sa mga kalapit na mga establisimyento.
Sa direktiba ni Bangsamoro Social Services Minister Raissa Jajurie, agad na nagpaabot ng inisyal na ayuda para sa mga biktima ng sunog ang Ministry of Social Services and Development-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, na isinagawa ng kanilang mga empleyado sa Upi.