Huling 4 Abu Sayyaf sa Basilan, sumuko na
COTABATO CITY, Philippines — Lumantad na ang apat na huling mga natitirang miyembro ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) sa Basilan at nangakong magbabagong buhay na matapos isuko ang kanilang mga armas nitong Huwebes.
Mismong sina Lt. Gen. Roy Galido, commander ng Philippine Army, at ang acting chief ng Western Mindanao Command na si Major Gen. Antonio Nafarrete na siya ring namumuno ng 6th Infantry Division ang hiwalay na nagkumpirma nitong Biyernes ng pagsuko ng mga magkakamag-anak na sila Tawakkal Bayali, Abul Bayali, Julhair Bayali at Hasib Tularan sa isang seremonyang ginanap sa Brgy. Guiong, Sumisip, Basilan.
Sumuko ang apat sa magkatuwang na inisyatibo ng mga opisyal ng 101st Infantry Brigade na pinamumunuan ni Brig. Gen. Alvin Luzon at nila Sumisip Mayor Jul-Adnan Hataman, Vice Mayor Gulam Hataman, Gov. Hadjiman Salliman at ng barangay leaders sa naturang bayan at ng mga units sa Basilan ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region.
Mahigit 400 na mga Abu Sayyaf members sa Basilan ang unang napasuko ng mga opisyal ng 101st Infantry Brigade, mga mayors at ng governor Basilan at ni Basilan Congressman Mujiv Hataman mula 2015, batay sa tala ng WestMinCom sa Zamboanga City at ng headquarters ng PRO-BAR sa Camp SK Pendatun sa Parang, Maguindanao del Norte.
Ayon kay Luzon, malaki ang naitulong ng mga opisyal ng kanilang 32nd Infantry Battalion, 4th Special Forces Battalion, 18th Infantry Battalion, 45th Infantry Battalion, at ng mga pinuno ng Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front sa Basilan sa pagpapasuko sa apat na natitirang Abu Sayyaf members na nagresulta sa pagiging “Abu Sayyaf free,” o ganap nang pagkawala ng presensya ng ASG sa buong probinsya.
- Latest