MANILA, Philippines — Isang 25-anyos na construction worker ang inaresto makaraang ireklamo ito ng panghahalay sa isang 21-anyos na babaeng college student sa Sitio Mansanitas, Brgy. Inayawan, Cebu City, nitong Miyerkules.
Ang suspek ay kinilalang si Kerwin Tado Salas, may live-in partner, at residente ng lugar na kapitbahay ng biktima.
Sinabi ni Police Lieutenant Christian Darcy Fat, hepe ng Inayawan Police Station, bago ang insidente ay nag-iinuman ang suspek at mga kaibigan nito sa pagdiriwang ng Pasko.
Naroon sa inuman ang biktima na isang college student, at ang live-in partner ng suspek.
Kalaunan ay pumasok ang biktima sa loob ng bahay para magpahinga ngunit sinundan ito ng suspek sa kanyang kwarto at doon ay makailang ulit na hinalay.
Agad na nagreklamo ang biktima sa pulisya na kung saan ay agad na inaresto ang suspek.