LUCENA CITY, Philippines — Dahil walang tigil na pagbuhos ng ulan, ilang mga pangunahing kalsada sa unang distrito ng lalawigan ng Quezon ang hindi na madaanan kahapon dahil sa landslide o pagguho ng lupa.
Base sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) kay Governor Dra. Helen Tan, ang Barangay Bayongon-Bataan Sampaloc-Lucban, Quezon ay nasira ang kalsada at natumba rin ang puno sa tabing-daan, kaya hindi na ito maaaring daanan ng mga motorista at biyahero.
Pinayuhan ng lokal na pamahalaan ng Sampaloc, Quezon ang lahat na sa Sampaloc-Mauban Road ang alternatibong ruta para sa mga sasakyang hindi pinapahintulutang dumaan.
Pinag-iingat din ang mga residente at biyahero na dadaan sa nasabing bayan kasabay ng pakikipag-ugnayan ang Pamahalaang Panlalawigan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang maayos ang nasirang kalsada.
Samantala, hindi maaaring daanan ngayon ang KM.12 ng Barangay Magsaysay sa Infanta, Quezon dahil sa naganap na landslides dulot ng malakas at tuluy-tuloy na pag-ulan.
Ayon kay Vice Mayor LA Ruanto, nakipag-ugnayan na sila sa DPWH 1st Engineering District at kay Governor Tan para sa clearing operation para agad na maclearing ang kalsada.
Agad ding nagpadala ng tulong ang probinsya mula sa STAN at Lingap Agad Project para sa mga naapektuhan ng landslides.