16-anyos todas, 1 grabe sa madugong Christmas party

CAVITE, Philippines — Naging madugo ang isinagawang Christmas Party ng Parola Youth Club ng mga kabataan makaraang magkaroon ng kaguluhan at dalawa sa mga biktima ang pinagsasaksak gamit ang cutter knife na ikinamatay ng isang menor-de-edad at ikinalubha ng isa pa, kama­kalawa sa Brgy. District 1, Lemery, Batangas.

Kinilala ng Lemery Police ang nasawi na si Denver Mendoza Rivera, 16-anyos, ng Barangay District 1, Lemery, Batangas, habang inoobserbahan sa pagamutan ang isa pang biktima na si Ericson De Chavez Datinguinoo, residente ng nasabi ring lugar.

Sa ulat ng pulisya, alas-3 ng madaling araw ng Disyembre 24, bisperas ng Pasko, nang maganap ang insidente sa Parola Youth Club Christmas party na ginanap sa nasabing lugar.
Kapwa mga dumalo sa nasabing party ang mga biktima at suspek na si alyas “John” nang magkainitan sa pagitan nito at ng biktimang si Datinguinoo na nauwi pa sa suntukan.

Nang madehado si alyas John ay kinuha nito ang isang cutter knife at inundayan ng saksak sa katawan si Datinguinoo. Dito na tinangkang umawat ni Rivera subalit maging siya ay inundayan ng saksak sa dibdib ng suspek.

Nang makitang humandusay ang mga biktima, mabilis na tumakas ang suspek tangay ang patalim na gamit sa krimen.

Magkahiwalay namang itinakbo sa Batangas Provincial Hospital at Lemery Doctors Medical Hospital ang mga biktima subalit idineklarang dead- on-arrival si Rivera na napuruhan ng malalim na saksak sa dibdib.

Show comments