Matapos mangolekta ng pera ng bangko
COTABATO CITY, Philippines — Patay ang isang security guard na escort ng isang bank teller na may dalang P3.6-milyong cash collection nang barilin ng dalawang holdaper at tinangay ang nasabing halaga sa isang busy area ng Compostela sa Davao de Oro kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng Compostela Municipal Police isang oras matapos ang insidente, kinumpirma ang pagkamatay sa madugong robbery heist ng 24-anyos na si James Pamasirsan Crucio, guwardya sa isang sangay ng kilalang bangko sa bayan ng Compostela.
Si Crucio ay idineklarang dead-on-the spot sa pamamaril ng mga holdaper dahil sa tama ng bala sa kanyang katawan.
Sinabi kahapon sa mga reporters ni Lt. Col. Jesser Vagilidad, hepe ng Compostela Municipal Police Station na si Crucio at kasamang bank teller ay nakakolekta ng P3.6 milyong cash mula sa isang business establishment at naglalakad na pasakay sa kanilang behikulo na naka-park sa ‘di kalayuan nang bigla silang lapitan at tutukan ng pistola ng dalawang armadong lalaki.
Agad na pinaputukan ng mga suspek si Crucio nang tumanggi siyang ibigay ang dalang malaking halaga ng pera sanhi upang bumulagta sa lugar at agarang namatay.
Mabilis na tumakas lulan ng getaway motorcycle ang mga suspek dala ang bag na naglalaman ng P3.6 milyon mula sa bank employee na ineskortan ni Crucio.
Sinabi ng mga saksi sa mga imbestigador na nagresponde sa naturang lugar na patungo ang dalawang suspek sa kalapit na bayan ng Monkayo na ngayo’y tinutugis na ng mga operatiba ng Monkayo at Davao de Oro Provincial Police Office.