P88.3 milyong sea, lake ports projects sa BARMM inilunsad

Pormal na nilagdaan nitong Miyerkules ng mga opisyal ng Bangsamoro government at mga kinatawan ng apat na construction companies ang mga kontrata para sa P88.3 milyong port projects sa autonomous region.
John Unson

COTABATO CITY, Philippines — Nagalak ang mga negosyante sa Bangsamoro region sa nakatakdang modernisasyon ng Bongao Port sa Tawi-Tawi at konstruksyon ng limang mga bagong daungan sa mga bayan na nakapalibot sa Lake Lanao sa Lanao del Sur.

Naglaan ng P88.3 million ang regional government ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Minda­nao para sa naturang mga proyekto, ipapatupad ng Ministry of Transportation and Communications-BARMM.

Sa magkahiwalay na pahayag nitong Linggo, pinasalamatan ng lawyer-entrepreneur na si Ronald Hallid Torres, chairman ng Bangsamoro Business Council, at ni Mohammad Pasigan, chairman ng Bangsamoro Board of Investments, ang mga opisyal ng MoTC-BARMM na pinamumunuan ni Minister Paisalin Pangandaman Tago, dahil sa kanilang pagkakaplano sa naturang mga proyekto na ayon sa kanila ay makakatulong nang malaki sa pag-unlad ng ekonomiya ng Tawi-Tawi at Lanao del Sur.

Ayon kay Torres, malaking suporta ang mga port projects para sa inisyatibo ng kanilang grupo, may mga miyembro sa limang probinsya at tatlong mga lungsod na sakop ng BARMM, na makahikayat ng mga negosyante sa ibang bansa na maglagak ng mga puhunan para sa mga negosyong maaring itatag sa rehiyon.

Sa ulat ng mga himpilan ng radyo sa Cotabato City at mga karatig na probinsya sa Central Mindanao nitong Linggo, lumagda nitong Miyerkules si Tago at ang mga kinatawan ng apat na construction companies ng mga hiwalay na mga kontrata para sa naturang mga proyekto.

Dalawang construction companies ang magsasagawa ng modernisasyon ng main building at passenger terminal ng Bongao Port sa Bongao, Tawi-Tawi at dalawang iba pa ang kinontrata rin ng MoTC-BARMM para magtayo ng mga lake ports sa Lake Lanao na pinagkukunan ng mga isdang tabang ng mga residente ng 39 na bayan sa Lanao del Sur at Marawi City.

Show comments