Bata todas sa nilunok na kendi
MANILA, Philippines — Patay ang 3-anyos na batang lalaki nang mabilaukan sa nalunok na kendi nitong Disyembre 4 sa San Jose City, Nueva Ecija, iniulat kahapon ng pulisya.
Ayon sa pagsisiyasat ng San Jose City Police, sumama ang paslit sa kanyang amang si Christian sa tindahan upang bumili ng sabon.
Subalit nag-iiyak ang batang biktima at nagpabili ng kendi kaya dali-dali namang ibinili ng ama ng dalawang kendi ang anak.
Nagulat na lamang si Christian nang mapansin na namumutla na ang anak hanggang sa madiskubreng nabilaukan na ito ng kendi at bumara sa lalamunan.
Sinabi ni Christian na binaligtad niya ang anak para maisuka ang kendi pero walang nangyari. Sunod niya itong niyakap at saka inipit ang sikmura pero hindi pa rin nagbago ang kondisyon ni Harvey.
Humingi na ng tulong si Christian sa mga tao at nailuwa ng bata ang isang kendi habang naiwan ang isa pa na nakabara sa lalamunan.
Dinala pa sa ospital ang bata subalit hindi na naisalba pa.
- Latest