Dahil sa matinding selos
CAINTA, Rizal, Philippines — Isang service crew ng kilalang food chain ang na-ospital matapos masunog ang mukha nang sabuyan ng asido ng isa ring kapwa babae, sa hinalang selosan, sa Cainta, Rizal, Biyernes ng gabi.
Kinilala ang biktimang sa alyas na “Anne”, service crew sa food chain na matatagpuan sa J Valley Golf Compound, Ortigas Avenue Extension corner Don Celso Tuazon Avenue, Barangay San Juan, Cainta, Rizal.
Nasa kustodiya na ng Cainta Municipal Police Station ang suspek na si alyas “Anjeanette”, na nakuhanan ng basyo ng muriatic acid na ginamit sa krimen.
Naganap ang insidente dakong 9:30 ng gabi ng Disyembre 20, sa mismong food chain.
Sa imbestigasyon, isang kasamahan sa trabaho ng biktima ang nagsabi na may naghahanap sa kaniyang babae na nais siyang makausap.
Lumabas ang biktima sa pag-aakalang pinuntahan ng kapatid na babae subalit nasorpresa nang komprontahin siya hinggil sa nobyong si alyas “John Lloyd”, at bigla na lang isinaboy sa mukha ng biktima ang dalang asido.
Sa mukha at sa kaliwang mata ng biktima lumanding ang asido kaya isinugod siya sa Medical City Hospital sa Pasig.
Nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ang suspek sa Office of Rizal Provincial Prosecutors, Barangay Dolores, Taytay Rizal para sa kaukulang reklamo.