Bicycle rider durog sa bus

MANILA, Philippines — Halos napisak ang katawan ng isang bicycle rider matapos na aksidenteng magulungan ng isang pampasaherong bus sa kahabaan ng N. Bacalso Ave­nue sa lungsod ng Cebu nitong Biyernes ng hapon.

Kinilala ang nasawi na si Martiniano Torrenueva, tubong Talibon, Bohol at naninirahan na sa A. Lopez Street, Brgy. Labangon ng lungsod.

Arestado naman ang driver ng bus na si Joseph Baldomar, 54, at residente ng Mabinayu, Negros Oriental.

Sa ulat ng Cebu City Police, naganap ang sakuna sa kahabaan ng nasabing lugar bandang alas-4:30 ng hapon.

Sa imbestigasyon ng Traffic Enforcement Unit (TEU) ng Cebu City Police Office, ang bus at ang bisikleta ng biktima ay bumabagtas sa iisang lane sa nabanggit na lugar patungo sa direksiyon ng South Bus Terminal.

Tinangka umano ng biktima na mag-ovetake sa bus sa kanang bahagi ng kalsada pero nabigo ito na humantong sa banggaan ng bus at rider.

Dito minalas pa ang rider na magulungan ng bus matapos itong tumilapon sa sinakyang motorsiklo na siya nitong dagliang ikinasawi.

Isinailalim na sa kustodya ng TEU ng Cebu City Police Office ang bus driver na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Show comments