Babaeng lider ng tribu, driver todas sa ambush!

COTABATO CITY, Philippines — Patay ang dalawa katao kabilang ang kabiyak ng isang Dulangan-Manobo tribal leader, nauna nang pinatay ng armadong grupo nito lang nakalipas na linggo, matapos silang tambangan at pagbabarilin sa Datu Hoffer, Maguindanao del Sur nitong Huwebes.

Agad na namatay sa mga tama ng bala sina Cita Banog Angan na isa ring tribal leader, at ang kanilang driver na si Ricky Tapioc, nang tambangan ng mga armadong lalaki sa Sitio Is­kagit, Barangay Sayap, Datu Hoffer.

Sa inisyal na mga ulat nitong Biyernes ng Maguindanao del Sur Provincial at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, galing sa poblacion ng Datu Hoffer sina Angan at Tapioc at pauwi na sana sa Barangay Mantao nang tambangan ng mga armadong lalaki na nakaabang sa kanila sa Sitio Iskagit at mabilis ding tumakas.

May paniwala ang mga Teduray at mga Dulangan-Manobo tribal leaders sa Datu Hoffer at sa ilang mga bayan sa mga probinsya ng Maguindanao del Sur at Sultan Kudarat na ang mga nag-ambush kina Angan at Tapioc ay ang mga pumatay din sa kanyang kabiyak na si Baywan Angan.

Magugunita na si Baywan, isa ring tribal leader, ay pinasok sa loob ng kanilang bakuran ng mga armado at binugbog muna bago pinagbabaril hanggang sa mapatay habang nakataas ang dalawang kamay at nakikiusap na huwag siyang patayin.

Si Baywan, na dating barangay councilor sa Mantao sa Datu Hoffer, ay kilala sa kanyang masigasig na suporta sa mga programang naglalayong maprotektahan ang mga ancestral lands ng mga Teduray at mga Dulangan-Manobo laban sa mga armadong pumapasok ng walang pahintulot at umaangkin ng mga sakahan ng mga kasapi ng dalawang etnikong tribo.

Show comments