BOCAUE, Bulacan, Philippines — Nagsama-sama ang mga opisyal ng pamahalaan at awtoridad na nanawagan sa publiko na huwag tangkilikin ang mga illegal na paputok lalo na ang ibinebenta sa online para sa ligtas na pagsalubong ng Bagong Taon.
Ito ang naging sentro ng mensahe ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco D. Marbil sa kanyang isinagawang pagbisita at inspeksyon katuwang sina Bulacan Governor Daniel Fernando, Vice Governor Alex Castro, PRO3 Regional Director PBrig. Gen. Redrico Maranan, Bulacan Police director PCol. Satur Ediong, Bocaue Vice Mayor Atty. Sherwin Tugna at mga stakeholders sa mga tindahan ng paputok nitong Disyembre 18 ng umaga sa Brgy Turo, Bocaue, Bulacan.
Ayon kay Marbil, tinitiyak nila na lahat ng mga ibinebenta o ginagawang mga paputok o pyrotechnics ay sumusunod sa batas para sa kaligtasan ng publiko.
Dahil sa ulat na talamak ang online selling ng mga malalakas at iligal na paputok, pinatutukan ni Marbil sa PNPCivil Security Group at Anti-Cybercrime Group ang online selling upang masawata ang mga iligal na paputok.
Kabilang sa mga napakadelikadong paputok na posibleng naibebenta online ay ang kabase, bin laden, kwiton bomb, coke in can, atomic, giant atomic, plapla, piccolo, tuna, kingkong, goodbye chismosa, goodbye philippines, christine, carina, ulysses, yolanda at pepito.