CAVITE, Philippines — Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang 76-anyos na caretaker dahil sa hinihinalang pagsita nito sa isang lalaki na labas-pasok sa kanyang lupang binabantayan sa bayan ng Amadeo, dito sa lalawigan kamakalawa ng hapon.
Patay agad sa insidente ang lolong biktima na si Isidoro Dimayacyac, caretaker ng isang malawak na lupain at residente ng Brgy. Bucal, Amadeo, Cavite.
Tinutugis na ng mga awtoridad ang suspek na si alyas na “Ralph” residente rin ng Brgy. Bucal, Amadeo, Cavite.
Sa imbestigasyon ng pulisya, ala-1:30 ng hapon nang maganap ang krimen sa Sitio Manda, Barangay Bucal. Bigla umanong pumasok ang suspek sa lupang sakop ng lugar na binabantayan ng biktima na posibleng nagbunsod sa kanilang dalawa na magtalo.
Maaaring ikinagalit umano ng suspek ang pagsita sa kanya ng biktima sa palagiang pagpasok sa lugar nang walang paalam ng nasabing matanda.
Inundayan ng suspek ng sunud-sunod na saksak ang biktima bago mabilis na tumakas tangay ang patalim na ginamit sa krimen.