Lupi, Camarines Sur umabot sa 5-6 km ang trapik sa sirang kalsada
LUPI, Camarines Sur, Philippines — Umaabot sa 5 hanggang 6 na kilometro ang haba ng mga nakapilang sasakyang palabas ng Bicol Region patungong Metro Manila at mga papasok naman ng Kabikolan kasama ang mga patawid ng Visayas at Mindanao Regions dahil sa matinding traffic sa ipinatutupad na salitan na one-lane traffic makaraang magkaroon ng mahaba at malaking uka sa ilalim ng Andaya Highway sa Brgy. Cabutagan, Lupi, Camarines Sur matapos gumuho ang lupa sa ilalim ng kalsada dahil sa ilang araw na buhos ng malakas na ulan.
Ang dating 10-oras na biyahe mula Metro Manila patungong Legazpi City, Albay ay umaabot na ngayon sa 16-oras o higit pa dahil sa hindi pagbibigayan na pinalala pa ng pag-counter flow ng mga gustong maunang motorista na makadaan sa lugar lalo na sa gabi.
Maliban sa mga tauhan ng Lupi Police Station at Camarines Sur Police Provincial Office ay tumulong na rin ang mga kasapi ng Highway Patrol Group at Land Transportation Office sa pagmamando ng traffic.
Lahat ng mga nagka-counter flow ay agad tinitikitan. Malaking banta o peligro rin umano sa mga dumadaang sasakyan at pasahero kapag tuluyang gumuho ang ilalim at bumagsak ang kalsada.
Sa pahayag kahapon ni Lucy Castañeda, tagapagsalita ng Department of Public Works and Highways-Regional Office 5, sa atas umano ng kanilang regional director na si Engr.Virgilio Eduarte ay agad silang nagpadala ng mga tauhan at ilang heavy equipment sa Andaya Highway upang gumawa ng mabilisang aksyon para miaayos ang gumuhong ilalim ng kalsada at magamit uli ang two-lanes ng highway.
Pinangangambahang kapag tuluyang gumuho ang kalahati ng kalsada ay wala nang iba pang rutang magagamit papasok at palabas ng rehiyon dahil maliban dito ay may nag-collapse ring bahagi ng Maharlika National Highway sa Labo, Camarines Norte.
Solusyon umano ay ang mabilisang paglalagay ng steel sheet pile para mapigilan ang tuluyang paguho ng buong ilalim ng kalsada at pagpapatibay sa ilalim para hindi bumagsak sa bigat ng mga sasakyang dumadaan sa ibabaw sakaling buksan muli ang dalawang linya.
- Latest