Babae tsinap-chop, sinunog sa gawaan ng uling!

Base sa inisyal na imbestigasyon ng San Juan Municipal Police, bandang alas-11:00 ng gabi nang madiskubre ng isang 45-anyos na lalaki  at ng kanyang live-in partner ang mga sunog na bahagi ng katawan ng hindi nila nakikilalang biktima sa kanilang gawaan ng uling malapit sa kanilang bahay.
STAR / File

Saksi sa pamamaril ng ka-barangay

SAN JUAN, Batangas, Philippines — Isang putul-putol at sunog na bangkay ng isang babae ang natagpuan sa gawaan ng uling sa Sitio Centro, Barangay Barualte ng bayang ito noong Lunes ng gabi.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng San Juan Municipal Police, bandang alas-11:00 ng gabi nang madiskubre ng isang 45-anyos na lalaki  at ng kanyang live-in partner ang mga sunog na bahagi ng katawan ng hindi nila nakikilalang biktima sa kanilang gawaan ng uling malapit sa kanilang bahay.

Matapos ang masu­sing pagsusuri ng mga imbestigador, lumitaw na ang biktima ay isang 32-anyos na babae na kabarangay din ng dalawang saksi.

Lumalabas na ang katawan ng biktima na pinagputul-putol ay isinama sa mga ginagawang uling na kahoy.

Sa isinagawang malalimang imbestigasyon at follow-up sa kaso, lumabas na ang lalaki at ang kanyang live-in partner na sinasabing nakatuklas sa chop-chop at sunog na bangkay ang pangunahing suspek sa krimen.

Lumalabas na ang biktima ay siyang nakasaksi sa pamamaril na kinasangkutan ng lalaking suspek laban sa isa nitong nakaalitan sa kanilang barangay.

Patuloy pa ang imbestigasyon at nangangalap ng mga ebidensya ang mga awtoridad upang mapatunayan ang pagkakasangkot ng lalaki at ng kanyang kinakasamang babae sa krimen.

Isinailalim na sa pagsisiyasat ng SOCO ang crime scene.

Show comments