COTABATO CITY, Philippines — Nakumpiska ng mga pulis ang P985,728 halaga ng shabu mula sa isang hinihinalang drug dealer na nalambat sa Datu Odin Sinsuat (DOS), Maguindanao del Norte nitong Lunes ng hapon, December 16, 2024.
Sa pahayag nitong Martes ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office Office-Bangsamoro Autonomous Region, nasa kustodiya na nila ang suspect na si Amir Kasim Upam, na-entrap sa Barangay Poblacion ng Datu Odin Sinsuat sa isang anti-narcotics operation na magkatuwang na inilatag ng mga tropa ng pulisya sa naturang bayan at ng mga kasapi ng Sultan Kudarat Municipal Police Station na pinamumunuan ni Lt. Col. Esmael Madin.
Unang nagtangkang manlaban si Upam nang aarestuhin na ng mga tauhan ni Madin matapos ang kanilang palitan ng shabu at pera, ngunit naigupo din at naaresto matapos mabaril ng isa sa mga pulis at tamaan ng bala sa tiyan.
Ayon kay Macapaz, plano sana nila Madin na sa Barangay Salimbao sa Sultan Kudarat isagawa ang naturang entrapment operation, ngunit nailipat ito sa sentro ng Datu Odin Sinsuat sa kahilingan ni Upam at ng umano’y nakatakas na kasabwat na si alias “Ricky” nang mahalatang mga pulis ang kanilang nabentahan ng 144 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P985,728.
Ayon kay Macapaz, magkatuwang na naikasa ni Madin at ng DOS Police na pinamumunuan ni Lt. Col. Samuel Roy Subsuban, ang naturang operasyon sa tulong ng mga impormanteng alam ang malakihang pagbebenta ng shabu sa Maguindanao del Norte ni Upam at ang nakatakas niyang kasabwat na si Ricky na may koneksyon diumano sa teroristang grupong Dawlah Islamiya.