MANILA, Philippines — Personal na nagsuko ng kanyang mga baril ang isang alkalde mula sa lalawigan ng Nueva Ecija bilang bahagi ng kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa loose firearms.
Ayon kay Police Regional Office 3 Director, PBGen. Redrico Maranan, boluntaryong isinuko ng alkalde na hindi na pinangalanan ang kanyang limang baril kasabay ng pagkansela ng lisensya ng mga ito at ang kanyang permit to carry.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng pinalakas na kampanya ng PRO3 laban sa loose firearms o mga baril na hindi lisensyado o expired na lisensya.
Sinabi ni Maranan na layon ng programa na mabawasan ang banta ng kriminalidad at masiguro ang kaligtasan ng bawat mamamayan.
Ani Maranan, ang boluntaryong pagsuko ng baril ng mismong opisyal ng pamahalaan ay pagpapakita ng magandang halimbawa para sa lahat ng mamamayan na sumunod sa batas.
“Ang kampanya laban sa loose firearms ay hindi lamang laban ng kapulisan kundi responsibilidad ng bawat mamamayan,” ani Maranan.