Agricultural machinery complex itatayo sa Nueva Ecija

CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Naghahanda na ang lungsod na ito upang maging sentro ng Gitnang Luzon para sa local na pagmamanupaktura ng mga kagamitan sa pagsasaka at ang mekanisasyon ng sektor ng agrikultura sa bansa.

Ito ay matapos na mapili ng Department of Agriculture (DA) at ng Korea Agricultural Machinery Industry Cooperative ang isang 20-ektaryang lupain sa lungsod na ito, bilang lugar para sa pagtatayo ng isang agricultural machinery assembly center sa bansa.

Ang Korea Agricultural Machinery Industry Complex (KAMIC) ay inaasahang magpapalakas ng lokal na produksyon ng makinarya, na pakikinabangan sa kasalukuyan at sa hinaharap na henerasyon ng mga magsasaka.

Sinabi ni DA Special Concerns and Official Development Assistance-Foreign Aid/Grants Undersecretary Jerome Oliveros na ang nasabing proyekto ay tumutugma sa pananaw ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Samantala, ayon kay Cabanatuan City Mayor Myca Elizabeth Vergara, buo ang suporta ng lokal na pamahalaan para sa proyekto, partikular sa pagpapabuti ng mga pampublikong kalsada upang matiyak ang accessibility sa planta.

Sinabi ni Vergara na ang pagtatatag ng KAMIC sa lungsod ay mapapabuti ang pag-access sa mga makinarya sa agrikultura, tulad ng mga traktor, harvester, at iba pang kagamitan na maaaring makatulong sa pagtaas ng ani ng pananim at pagpapaunlad ng kabuha­yan ng mga magsasaka.

Show comments