LOPEZ, Quezon, Philippines — Nasa kabuuang 15 bahay, paaralan at riles ng tren ang nasira sanhi upang magsilikas ang mga residente nang biglang umangat ang lupa sa Brgy. Matinik ng bayang ito, kamakalawa ng gabi.
Sa Facebook post ni Juvy Cabildo, dating barangay kagawad, alas-10:00 ng gabi habang nasa loob sila ng kanilang bahay nang bigla na lamang nilang naramdaman ang pag-angat ng lupa gayong wala namang ulan o anumang pagyanig sa pagkakaroon ng lindol.
Bunsod nito, dali-daling naglabasan sa kani-kanilang bahay ang mga residente upang makaligtas sa anumang panganib o pagguho. Nagpa-ulit ulit umano ang matinding pag-angat ng lupa sanhi upang mawasak ang mga ilang kabahayan.
Dahil sa takot ay nagpunta na lamang umano sa barangay hall ang mga residente at doon na nagpalipas ng magdamag.
Nang sumikat na ang araw ay doon na bumungad sa mga residente ang matinding pinsalang idinulot ng pag-angat ng lupa.
Sa report sa tanggapan ni Quezon Gov. Dra. Helen Tan, nasa 30 pamilya o 90 indibiduwal ang lumikas dahil sa insidente na ngayo’y pansamantalang nanunuluyan sa Barangay Hall.
Nasa 15 kabuuang bahay naman ang nasira gayundin ang dalawang silid-aralan ng Matinik Elementary School habang hindi madaanan ang riles ng tren at maging ang national highway para sa mga “heavy vehicles” patungong Hondagua.
Naglabas na ng direktiba ni Gov. Tan, para sa agarang pamamahagi ng ayuda sa mga apekatdong residente, ang pagsasaayos ng mga nasirang kalsada at ng iba pang pinsalang idinulot ng pag-angat ng lupa.
Agad ring kumilos ang mga awtoridad sa pakikipag-ugnayan sa Barangay Disaster Risk Reduction and Management Council (BDRRMC), para sa paglikas ng mga residente, pagsasaayos ng trapiko at pagbabawal ng “access” o pagpunta sa mga mapanganib na lugar.
Nagtungo na rin sa lugar para mag-imbestiga ang mga kawani ng Provincial DRRMC at upang kumuha ng mga larawan na isusumite sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Mines and Geoscience Bureau upang masuri ang lupa kung ito ay may kinalaman sa fault line o anumang pagyanig.