Mag-asawa, anak utas sa kapitbahay na ‘di pinautang

Stock image of a gun.
Image by Rudy and Peter Skitterians from Pixabay

MANILA, Philippines — Patay ang isang mag-asawa at 14-anyos na dalagitang ampon makaraang pagbabarilin ng 43-anyos na lalaking hindi nila pinautang sa San Francisco, Camotes Island, Cebu, ayon sa ulat ng pulisya nitong Linggo.

Sa report ng Police Regional Office (PRO) 7, kapwa nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan sina Bernardo Perez Sampan, 42-anyos; Narcisa Sabroso Sampan, 41, at dalagitang anak nilang si Cleah; mga residente sa nasabing lugar.

Arestado naman ng awtoridad nitong Sabado ng umaga ang suspect na si Rey Cabahug Batiller na nahaharap sa tatlong kasong murder.

Sa imbestigasyon, nagtungo sa tahanan ng mag-asawa ang suspect nitong Huwebes para mangutang dahil gipit umano siya. Nais naman sanang pautangin ng ginang ang suspek pero tumutol ang kaniyang mister dahil hindi pa nakakabayad umano ang suspek sa mga nauna nitong pagkakautang.

Sa pahayag ng isa pang anak ng mag-asawa na nasa loob ng kuwarto nang mangyari ang pamamaril at nagawang makatakas, sinabi nito na nakikain pa sa kanila ang suspek at dito’y napansin ng kaniyang ama na may dala itong baril.

Tinangka ni Bernardo na agawin ang armas pero higit na nanaig ang lakas ng suspect sa kanilang pagpapambuno kaya kasunod nito ay pinagbabaril na ang mag-asawa saka isinunod ang dalagita na pinaputukan sa ulo.

Matapos ang karumal-dumal na krimen, mabilis na tumakas ang suspek lulan ng motorsiklo na pag-aari ng mag-asawa pero nasukol din siya sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad.

Show comments