CAVITE, Philippines — Tila nawala sa sarili nang maalimpungatan sa kaniyang pagtulog ang isang obrero at nakita nito na katabi na niya sa higaan ang katrabaho na unang nagwala kaya agad niyang sinaksak sa leeg, sa loob ng kanilang barracks, kamakalawa ng gabi sa Brgy. Molino 7, Bacoor City, dito sa lalawigan.
Isang malalim na saksak sa leeg ang tinamo ng biktima na namatay noon din at kinilalang si Regino Rot, 43-anyos, driver, residente ng Camella Springville Heights, Brgy. Molino 7, Bacoor. Sinampahan na ng kasong murder ang naarestong suspek na si alyas “Hipolito”, 54-anyos, construction worker, at stay-in sa Cost Saver Service Corporation barracks sa Phase 3, Springville Heights, Gawaran Avenue, Brgy. Molino 7, nasabing lungsod.
Sa ulat ng pulisya, alas-11 ng gabi nang maganap ang krimen sa loob ng kanilang barracks sa nasabing lugar.
Nauna rito, nakipag-inuman ang biktima at suspek sa mga katrabaho nang maunang matulog ang suspek sa kanilang barracks.
Naiwan naman ang biktima at iba pang kasamahan sa inuman. Nang malasing na ang biktima ay biglang nagwala at naghamon pa ng away. Hindi naman ito pinansin ng mga kainuman hanggang sa pumasok na sa barracks ang biktima at dito itinuloy ang pagwawala.
Kahit na tulog ang suspek, hinamon din siya ng away ng nagwawalang biktima. Pero dahil sa pagod sa trabaho at lasing ang suspek, mahimbing siyang nakatulog hanggang sa hindi na nito napansin ang paghiga ng biktima sa kanyang tabi.
Biglang naalimpungatan ang suspek at nang makita nito sa tabi niya na nakahiga ang biktima ay tila nawala sa sarili ang una hanggang sa agad na dumampot ng patalim at itinarak sa leeg ng huli na namatay agad.