MANILA, Philippines — Umiskor ang tropa ng militar matapos mapatay sa engkuwentro ang isang lider ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bakbakan sa Brgy. Cawayan, Catbalogan City, Samar, ayon sa opisyal ng militar kahapon.
Kinilala ang nasawi na si Artemio Solayao alyas “Ka Budhi”, lider ng Squad 2, Yakal Platoon ng Samahang Regional Command Browser ng Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC).
Sa report ni Brig. Gen. Lenart Lelina, Commander ng 801st Brigade ng Philippine Army naanap ang bakbakan sa Brgy. Cawayan, Catbalogan City nitong Huwebes.
Nagsasagawa ng combat patrol ang tropa ng mga sundalo nang masabat ang grupo ng mga rebelde na nauwi sa kanilang bakbakan na tumagal ng mahigit 15 minuto. Dito duguang bumulagta si Ka Budhi na binawian ng buhay noon din habang mabilis na nagsitakas ang mga kasamahan na inabandona ang labi nito.
Narekober sa pinangyarihan ng engkuwentro ang isang cal. 45 pistol at mga subersibong dokumento.
Sa tala ng militar si Ka Budhi ay may mga warrant of arrest sa mga bayolenteng insidente na inilunsad nito laban sa tropang gobyerno kabilang ang pananambang sa mga sundalo ng 14th Infantry Battalion ng Phl Army noong 2014 sa Maypandandan, Catbalogan City.
Sa panig ni Maj. Gen. Adonis Ariel Orio, commander ng 8th ID, naiwasan sana ang insidente kung nakinig lamang si Ka Budhi na sumuko sa panawagan ng kapayapaan ng pamahalaan.