Negros Occidental isinailalim na sa state of calamity

Screengrab from Google Maps shows the province of Negros Occidental.
Google Maps

MANILA, Philippines — Isinailalim na sa state of calamity ang buong lalawigan ng Negros Occidental matapos ang matinding pinsalang idinulot sa mga residente sa pagsabog ng Mount Kanlaon.

Ang pagsasailalim sa state of calamity sa buong lalawigan ng Negros Occidental ay kasunod naman ng isinagawang special session ng Sangguniang Panlalawigan (SP) nitong Biyernes.

Batay sa report, inaprubahan ng SP ng Negros Occidental ang rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Mana­gement Council (PDRRMC) Resolution No. 11 na nagrerekomenda ng pagdedeklara ng state of calamity sa buong rehiyon.

Nitong Huwebes ay nagpasa ng resolusyon ang PDRRMC na nilag­daan ni Negros Occidental Gov. Eugenio Jose Lacson matapos namang itaas sa Alert Level 3 ang status ng Mount Kanlaon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Ang pagsasailalim sa state of calamity sa buong rehiyon ay upang maipalabas ang cala­mity fund na magagamit sa pagbibigay ng tulong sa mga residenteng naapektuhan ng pagsabog ng bulkan partikular na sa rescue, relief at rehabilation ope­rations.

Magugunita na nitong Disyembre 9 ng hapon ay sumabog ang Kanlaon volcano na nagbuga ng maitim na usok na umabot sa taas na 3,000 metro mula sa summit ng bulkan.

Nabatid na pinakagrabeng naapektuhan ng pagsabog ng bulkan ay ang mga lungsod ng La Carlota at Bago gayundin ang mga munisipalidad ng La Castellana, Pontevedra, Hinigaran, Valladolid, San Enrique at Binalbagan.

Show comments