MANILA, Philippines — Sinalakay ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Davao (NBI-Region X1) ang isang warehouse na nasa loob ng 2-ektaryang compound, kung saan itinatago ang diumano’y iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub, sa Panabo City, Davao del Norte, nitong Biyernes, Disyembre 13.
Gamit ang search warrant nang pasukin ang nasabing warehouse ng mga operatiba ng NBI kaugnay sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012, partikular sa umano’y operasyon ng syndicated estafa at online illegal gambling, kung saan nasamsam ang mahigit 50 computers na naka-set-up sa dalawang silid, sa loob ng warehouse.
Sinabi ni NBI-Region X1 Spokeperson Ely Leano na bubusisiin ang mga ebidensyang nasamsam upang makumpirma ang iligal na aktibidad sa nasabing warehouse.
Tulad ng iba pang POGO hub na sinalakay ng mga awtoridad, may sariling kitchen at dining room sa loob ng warehouse ang POGO workers, kung saan may mga tagaluto at nag-aasikaso sa pagkain nila.
Nakita din ang isa pang silid na hindi pa kumpletong natatapos para sa pagpapalawak ng POGO hub at mga materyales para sa konstruksyon.