Lider ng NPA rebels timbog sa Cebu
MANILA, Philippines — Umiskor ang mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kasunod ng pagkakaaresto sa isang high ranking na lider ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa isinagawang operasyon sa Cebu City nitong Biyernes ng gabi.
Sa report na tinanggap ni P/Brig. Gen. Nicolas Torre III, Director ng PNP-CIDG mula sa CIDG Cebu City Field Unit, dakong alas- 9:30 ng gabi ng isinagawa ang Oplan Salikop sa Plaza Sa Katawhan, Cebu Coastal Road ng lungsod.
Kinilala ni PNP Chief P/Gen. Rommel Francisco Marbil ang nasakoteng suspect na si alyas Ka Marlo, Squad Leader ng Squad 1, Sandatahang Unit Propaganda, Platoon Central Negros 1 at Team Leader ng SPARU unit, ang hit squad ng CPP-NPA na nag-o-operate sa Negros Island.
Si Ka Marlo ay may warrant of arrest sa kasong double murder na inisyu ni Hon. Rosario Carriaga, Assisting Judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 64 ng Guihulngan City, Negros Oriental kung saan walang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantala nitong kalayaan.
Ayon sa opisyal ang operasyon ay inilunsad matapos namang magpositibo ang intelligence report ng isang agent ng Philippine Air Force sa Lapu -Lapu City na agad ipinasa CIDG Cebu City Field Unit hinggil sa presensya ni Ka Marlo sa lugar.
Sinabi ni Torre na si Ka Marlo ay na-recruit sa kilusan ng CPP-NPA noong 2016 ng isang tinukoy sa alyas na Ka Jembo sa Guihulngan City, Negros Oriental kung saan simula nito ay nasangkot na ito sa mga bayolenteng aktibidades.
Sa tala noong 2018 ay nasangkot ang grupo ni Ka Marlo sa engkuwentro sa tropa ng Philippine Army sa Kabankalan, Negros Occidental. Noong 2021 ay na-promote si Ka Marlo bilang Squad Leader ng Squad 1, Sandatahang Unit Propaganda, Platoon Central Negros 1 kung saan responsable ito sa recruitment ng mga kabataan at kalalahikang nililinlang sa mga huwad na pangako para sumapi sa NPA movement.
Inihayag ni Torre na sa pagkakasakote kay Ka Marlo ay dumanas ng panibagong dagok ang kilusang komunista.
- Latest