MANILA, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit ng isang ginang at 14-anyos na dalagitang anak matapos silang pagbabarilin hanggang sa mapatay ng sinasabing dating lover boy dahil umano sa matinding selos sa Carcar City, Cebu kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Carcar City Police, kinilala ang mga nasawi na sina Jennive Abella, 38-anyos, at anak nitong si Valerie Megan, 14, Grade 8 student; kapwa residente ng Sitio San Roque, Barangay Valladolid, Carcar City.
Nahaharap naman sa kasong double murder ang naarestong suspek na nakilalang si Jetur Lapiña, 64, real estate agent, residente rin sa nasabing lugar.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Rolando Barraquio, hepe ng Carcar City Police Station, alas-7:00 ng gabi nang maganap ang malagim na krimen sa bahay ng mag-ina.
Nauna rito, nagkaroon umano ng pagtatalo sa pagitan ng lolong suspek at ng nasabing ginang hanggang sa makarinig na lamang ang mga kapitbahay ng mga putok ng baril.
Nang kanilang puntahan, dito na bumulaga sa kanila ang kapwa na nakahandusay na mag-ina na naliligo sa sariling dugo. Agad silang humingi ng tulong sa mga pulis na mabilis namang rumesponde sa lugar.
Nadatnan ng mga awtoridad ang mag-ina na kapwa patay na at may mga tama ng bala ng kalibre .45 sa tiyan.
Ayon sa kaanak ng mga biktima, madalas umanong nagtatalo sina Jennive at suspek dahil sa pagseselos ng huli.
Sa ginawang hot pursuit operation, agad na naaresto ang suspek at ngayo’y nakapiit na sa lock-up jail ng Carcar City Police Station.