22 ilegal na armas isinuko sa 1BCT ng Army

CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Ma­guindanao del Norte, Philippines — Nasa 22 loose firearms ang boluntaryong isinuko ng mga concerned citizen ng Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte sa kasundaluhan ng 1st Brigade Combat Team (1BCT) nitong Disyembre 12.

Ayon kay Lt. Col. Gilbert L. Boado, pinuno ng Combined Arms Team 6 (CAT6), ang mga baril ay isinuko bilang bahagi ng mas pinaigting na pagpapatupad ng programang Small Arms and Light Weapons (SALW) Management Program ng kasundaluhan.

 Isinagawa ang pormal na turnover cere­mony sa Municipal Conference Room ng Brgy. Dalumangcob, Sultan Kudarat na dinaluhan nina Mayor Datu Tucao O. Mastura, CPA; Brigadier General Jose Vladimir R. Cagara ng PA, commander ng 1BCT, PA; Kurais Dali, Election Officer IV ng Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte; at P/Col. Joel S. Estaris, provincial director ng PPO, Ma­guindanao del Norte.

Kabilang sa mga armas na isinuko ay dalawang Cal.50 Rifles, dalawang M14 Rifles, isang 7.62mm Springfield Rifle, labintatlong 7.62mm Sniper Rifles, isang Grenade Launcher (40mm, M79 Tube), dalawang 12-Gauge Shotguns, at isang Cal.22 Rifle.

“Pangunahing layu­nin ng SALW na suportahan at palakasin ang kampanya laban sa mga loose firearms, lalo na’t nalalapit na ang eleksyon,” pahayag naman ni Major General Antonio G. Nafarrete, commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central.

Show comments