Lolo na may Alzheimers, nalunod sa estero
MANILA, Philippines — Isang lolong dumaranas umano ng sakit na Alzheimer’s ang minalas na malunod matapos mahulog sa isang estero habang hinahanap ang kanyang anak na babae sa Antipolo City,Rizal kamakalawa.
Ang biktima ay kinilala lamang sa alyas na ‘Lolo Ben,’ 74, retiradong security guard at residente ng Amparo Subd., Caloocan City.
Lumilitaw sa inisyal na report ng Antipolo City Police Station na dakong alas-12:00 ng hatinggabi nang madiskubre ang pagkamatay ng matanda sa isang estero sa Sitio Libis, Brgy. San Jose, Antipolo City.
Naglalakad sa lugar ang isang concerned citizen nang mamataan ang bangkay ng biktima sa mabatong bahagi ng creek kaya’t kaagad na inireport sa mga otoridad.
Huli umanong nakitang buhay ang biktima habang naglalakad sa lugar at hinahanap ang kanyang anak na babae.
Kinumpirma rin naman ng anak na lalaki ng biktima na si Julio na ang kanyang ama ay may Alzheimer’s disease.
- Latest