COTABATO CITY, Philippines — Nasamsam ng makasanib na puwersa ng mga pulis at mga kawani ng Bangsamoro Agriculture and Fisheries ang nasa 30-toneladang giant clam shells o taklobo na aabot sa P45 milyon ang halaga sa isang operasyon sa Barangay Taglibi, Patikul, Sulu nitong Linggo.
Kinumpirma nitong Martes ni Brig. Gen. Romeo Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region ang pagkakumpiska ng naturang clam shells, o taklobo, ng mga operatiba ng Sulu Maritime Police Station at mga opisyal sa probinsya ng Ministry of Agriculture, Fisheries and Aquatic Resources-Bangsamoro Autonomous Region sa isang operasyon na suportado ng mga local officials sa Patikul.
Sa ulat ng MAFAR-BARMM, hindi bababa sa 30 tonelada ang timbang ng naturang mga taklobo na mula sa mga karagatan ng Sulu at Tawi-Tawi.
Ayon kay Macapaz, inaalam na ng kanilang mga intelligence agents sa Sulu kung sino ang mga responsable sa pangunguha ng mga taklobong nakumpiska sa Barangay Taglibi na posibleng ibebenta sa isang mangangalakal sa mainland Mindanao.
Muling palalawigin ng MAFAR-BARMM, ng Sulu Maritime Police at ng Sulu Provincial Police Office ang kampanya laban sa pangunguha ng mga taklobo sa mga karagatan ng Sulu at Tawi-Tawi, ayon kay Macapaz.