CAVITE, Philippines — Ginagawa nang tapunan ang Cavite ng mga salvage victim makaraang isa na namang hindi kilalang lalaki ang natagpuang patay habang nakaposas sa lungsod ng Imus, nitong Linggo.
Hindi pa nakikilala ng pulisya ang biktima na tinatayang nasa 35-40 ang edad, may taas na 5’3, may maayos na pangangatawan at nakasuot ng itim na t-shirt, asul na jogging pants at asul na jacket.
Sa ulat ng pulisya, alas-7 ng umaga nang matagpuan ang biktima ng ilang residente sa kahabaan ng AA Drive, Brgy. Pasong Buaya 1, Imus City. Nakaposas pa ang mga kamay nito at nakaluhod nang madatnan ng awtoridad sa nasabing lugar.
Ayon sa pulisya, malaki ang posibilidad na pinatay sa ibang lugar ang biktima at itinapon lamang sa kinatagpuang lugar.