COTABATO CITY, Philippines — Tatlong miyembro ng isang pamilyang Tausug ang patay nang ma-trap sa loob ng nasusunog nilang tindahan sa Barangay Kaumpurnah Zone 1, Isabela City sa Basilan, madaling araw nitong Lunes.
Sa inisyal ng ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Isabela City at ng mga kawani ng Isabela City Disaster Risk Reduction and Management Office, hindi na halos makilala ang mga biktima nang marekober na sina Hadjira Cabato, 40-anyos, Alnajher Cabato, 54-anyos, at ang 17-anyos na si Jehana Cabato dahil sa sobrang pagkakasunog.
Nakulong ang tatlo sa kanilang tindahan, kung saan sila natutulog, nang sumiklab ang apoy na sumira sa naturang gusali.
Ayon din sa mga ulat ng mga himpilan ng mga radyo sa Central Mindanao, nitong tanghali ng Lunes, may direktiba na si Isabela City Mayor Sitti Djalia Turabin-Hataman sa CDRRMO na bigyan ng ayuda ang pamilya ng mga biktima ng sunog at tumulong sa pagpapalibing sa tatlong nasawi sa insidente.
Inaantabayan pa ng ulat ng BFP-Isabela City at ng lokal na pulisya sa kung ano ang sanhi ng naturang sunog.