LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Sugatan ang 12-katao kabilang ang isang 7-buwang gulang na babaeng sanggol matapos na mawalan ng preno, tumagilid at bumangga ang kanilang sinasakyang pampasaherong sa tindahan sa tabi ng kalsada sa Purok-5, Brgy. 29-Bonot, dito sa lungsod, kamakalawa ng hapon.
Lahat ng pasahero kasama ang driver na si Hadjie Nolasco, 42-anyos, ang magkakasamang isinugod sa Bicol Regional Hospital and Medical Center. Nagtamo ng mga bahagyang sugat ang mga pasahero na nilapatan ng lunas sa nasabi ring ospital.
Sa ulat, dakong ala-1:45 ng hapon mula Brgy. Rawis habang binabagtas ng pampasaherong jeepney na minamaneho ni Nolasco ang nasabing lugar patungong Legazpi City proper nang mawalan ng preno pagdating sa pababang bahagi ng Yawa Bridge dahilan para mawalan ng kontrol at kumabig ang manibela sa kanang bahagi at tumagilid ang jeep saka bumangga sa sari-sari store.
Bagama’t mga sugatan ay wala namang naging malubhang mga pasahero sa aksidente na lahat naisugod agad sa pagamutan kasama ang driver.