Storage facility ni-raid ng PDEA: 7 kilong marijuana nasamsam
COTABATO CITY, Philippines — Nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-12 at mga pulis ang pitong kilo ng pinatuyong marijuana mula sa storage facility ng isang forwarding company sa Barangay Apopong sa General Santos City nitong Biyernes.
Nasa kustodiya na ng PDEA-12 ang nakumpiskang marijuana, na nagkakahalaga ng P840,000.
Sa pahayag nitong Linggo ni Benjamin Recites III, director ng PDEA-12, naikasa ang naturang interdiction operation matapos silang makatanggap ng ulat na may pitong kilo na compressed marijuana ang ipapadala sana ng supplier sa isang contact sa pamamagitan ng isang forwarding outfit na may storage facility sa General Santos City.
Natagpuan ang mga parcels na naglalaman ng marijuana sa loob ng warehouse ng naturang establisimyento gamit ang K-9 o narcotics detection dogs ng PDEA-12.
Magkatuwang na inaalam na ng mga agents ng PDEA-12 at ng mga intelligence personnel ng General Santos City Police Office at ng Police Regional Office 12 kung saan nanggaling ang nakumpiskang marijuana at kung sino sana ang totoong tatanggap ng parcel na naglalaman nito.
- Latest