COTABATO CITY , Philippines — Patay ang isang magsasaka at kanyang kabiyak nang pagbabarilin ng mga armadong nakaabang sa kanila sa gilid ng kalsada sa Barangay Puti sa Norala, South Cotabato nitong Huwebes.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Biyernes ng Norala Municipal Police Station at ng South Cotabato Provincial Police Office, agad na namatay ang mister na si Rommel Crisostomo habang sa isang ospital naman pumanaw ang kanyang misis na si Gina Bansil-Crisostomo kung saan siya dinala ng mga barangay emergency responders upang malapatan sana ng lunas.
Sa pahayag ni Randy Gardoce, chairman ng Barangay Puti, sakay ng kanilang tricycle ang mag-asawang Crisostomo mula sa Purok El Kuda ng naturang barangay kung saan sila nakatira, nang tambangan at pagbabarilin ng mga lalaking armado ng .45 caliber pistols at agad na nagsitakas.
Wala pang linaw sa mga imbestigador kung sino ang mga salarin at kung ano ang kanilang tunay na motibo sa pagsagawa ng naturang krimen.