DARAGA, Albay, Philippines - Matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group-Albay Field Unit ang madulas na kasapi ng finance committee ng New People’s Army (NPA) matapos ang isinagawang pagsalakay sa lungga nito sa Purok-6, Sitio Ilawod, Brgy. San Vicente Grande, Daraga, Albay kamakalawa ng hapon.
Sinampahan na ng patung-patong na kaso ang suspek na si Hugo Frudo Fuentes, may mga alyas na “Hugo” at “Reynaldo Martinez”, “Cedes”, 73-anyos, tubong Baliwag, Bulacan.
Kalaboso rin ang isang Edwin Blazo Mallorca, 67-anyos, residente ng naturang barangay makaraang makuhanan ng baril, mga pampasabog at iba pa sa isinagawang raid.
Sa ulat ng CIDG-Regional Field Unit ng Bicol, sa tulong ng mga tauhan ng Daraga Police; 31st Infantry Battalion ng Philippine Army; 96th at 97th Military Regional Mobile Force Battalion; Regional Mobile Force Battalion 5; Albay Provincial Mobile Force Company at iba pang unit, bitbit ang search warrant mula sa korte, ay sinalakay nila ang bahay na tinutuluyan ng suspek na hindi na nakapalag sa pag-aresto.
Bagama’t hindi naman kasama sa search warrant operation, kasamang inaresto si Mallorca makaraang makitaan siya ng raiding team na armado ng baril.
Nakuha sa posesyon ni Mallorca ang isang Armonry Springfield caliber 45 pistol; steel magazine assembly para sa kaparehong kalibre ng baril; dalawang hand grenade, isang improvised explosive device o IED, USB at iba pa.