CAMP OLIVAS, City of San Fernando, Pampanga, Philippines — Naaresto nitong Sabado ng umaga, Nobyembre 30, 2024, ang isang miyembro ng gun-for-hire group at itinuturong isa sa mga “middlemen” sa brutal na pagpatay sa mag-asawang online seller na sina Arvin at Lerma Lulu sa San Isidro, Nueva Ecija.
Ang pagkakahuli ay isinagawa sa bisa ng isang search warrant para sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa ulat na nakarating kay PRO3 Director, Police Brig. Gen. Redrico Maranan, ipinatupad ng mga tauhan ng San Isidro Municipal Police Station (MPS) katuwang ang 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) ang search Warrant No. 2024-37 na inisyu ni Executive Judge Quijano S. Laure, ng RTC Gapan City, noong Nob. 28, 2024, laban kay Almario Miranda y Magno, 64, ng Barangay Mangga, San Isidro, Nueva Ecija.
Sa isinagawang operasyon, nakuha mula sa pag-iingat ni Miranda ang isang kalibre .9mm na baril na may kasamang magasin na naglalaman ng limang (5) bala.
Pinuri ni Gen. Maranan ang determinasyon ng mga operatiba at hinimok ang publiko na makipagtulungan sa mga otoridad upang labanan ang kriminalidad at tiyakin ang kaligtasan sa komunidad.