6 rebelde patay sa Samar encounter!

MANILA, Philippines — Umiskor ang tropa ng militar matapos mapaslang ang anim na miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) habang apat na armas ang nakumpiska sa encounter sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Paco, Las Navas, Northern Samar nitong umaga ng Lunes.

Ayon kay Captain Jefferson Mariano, spokesman ng Army’s 8th Infantry Division (ID)-Eastern Visayas Region, nakasagupa ng tropa ng militar ang grupo ng mga rebelde mula sa Sub-Regional Committee (src) Emporium, Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC) sa ilalim ni Ariel Baselga alyas “Ka Poly/Aries”, na sangkot sa serye ng paghahasik ng terorismo sa lalawigan.

Bago ito, nakatanggap ng impormasyon ang tropa ng mga sundalo hinggil sa presensya ng mga rebeldeng NPA sa nasabing lugar kaya agad silang rumes­ponde hanggang sa magpang-abot at nauwi sa bakbakan.

Napatay ng mga sundalo ang anim na rebelde at nakasamsam sila ng dalawang M16 rifles, dalawang pistola, tatlong granada at sari-saring personal na kagamitan sa encounter site. 

Samantala, nanawagan na si Las Navas Mayor Arlito Tan sa nalalabi pang mga rebelde na magsisuko at tumulong sa inisyatibong pangkapayapaan ng pamahalaan.

Inihayag naman ni Major Gen. Adonis Ariel Orio, commander ng Joint Task Force (JTF) Storm at Army’s 8th ID na importante ang krus­yal na papel ng mga residente para magapi ang communist insurgency lalo na at nalalapit na ang midterm elections sa Mayo 2025 kung saan tumitindi ang pangingikil ng NPA sa mga kandidato.

Show comments