Ginamit nang walang paalam…
CAVITE, Philippines — Patay ang isang 53-anyos na kuya mula sa kamay ng mismong kapatid nito matapos pagsasaksakin ng dahil lang sa bluetooth speaker na kanyang ginamit nang walang paalam kamakalawa ng gabi sa Brgy. Mulawin Tanza Cavite.
Hindi na umabot pang buhay sa pagamutan ang biktima na kinilalang si Michael Verde Flor Bustillos, habang arestado ng pulisya ang nakababatang kapatid nito na si alyas “Eugene”, 49-anyos; kapwa residente ng Brgy. Amaya 6, Tanza, Cavite.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-7 ng gabi nang maganap ang insidente, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng magkapatid hinggil sa paggamit ng biktima nang walang paalam sa bluetooth speaker ni Eugene.
Nauwi pa sa palitan ng maanghang na salita ang mag-utol hanggang sa mapikon na si Eugene at mabilis na kumuha ng patalim saka inundayan ng sunud-sunod na saksak ang kaniyang kuya na duguang bumagsak.
Naitakbo pa sa Tanza Specialist Medical Center ang biktima subalit idineklarang dead-on-arrival.