Pulis itinumba sa harap ng pamilya!

Habang nasa parking area ng mall

COTABATO CITY, Philippines — Agad na namatay sa mga tama ng bala ang isang police intelligence officer makaraang pagbabarilin ng dalawang salarin sa harap mismo ng kanyang pamilya sa parking area ng isang shopping mall dito sa lungsod nitong gabi ng Linggo.

Sa mga inisyal na ulat nitong Lunes ng mga opisyal ng Cotabato City Police Office at ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, kakababa lang ni Master Sgt. John Manuel Bongcawil at ng kanyang pamilya sa underground parking area ng City Mall at sasakay na sana sa kanilang kotse nang lapitan ng mga lalaking naka-face mask at halinhinan siyang pinaputukan ng mga .45 caliber pistol.

Si Bongcawil, nagtamo ng maraming mga merit at special citation medals kaugnay ng kanyang pagserbisyo bilang kasapi ng PRO-BAR, ay isang intelligence operative ng Maguindanao del Norte Provincial Office ng siya ay mapaslang.

Agad na namatay si Bongcawil sa harap mismo ng kanyang kabiyak at mga anak habang mabilis na tumakas ang mga salarin gamit ang isang getaway vehicle.

May teorya ang mga kamag-anak at mga imbestigador ng Cotabato City Police na posibleng may kinalaman sa trabaho ang brutal na pagpatay sa nasabing pulis.

Show comments