965 loose firearms nakumpiska sa Kabikolan

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Aabot sa 965 na iba’t ibang kalibre ng baril na kinokonsiderang loose firearms ang nakumpiska sa mga police operation ng Police Regional Office 5 sa buong Kabikolan mula Disyembre 11,2023 hanggang kahapon. 

Iprinisinta sa media ang nasamsam na mga armas nina PRO5 regional director Brig. Gen. Andre Perez Dizon at Comelec regional director Atty. Maria Juana Valeza sa loob ng multi-purpose building ng Camp Gen. Simeon Ola, dito sa lungsod.

Ayon kay Dizon, sa 965 na mga baril na nabawi, karamihan dito ay sa pamamagitan ng ginawang search warrant operations, Oplan Katok, at iba pang inilunsad na police operations. May ilan ditong isinurender. Pinakama­raming nakumpiska ay sa lalawigan ng Masbate na may 134; at Camarines Sur na may 86, maliban pa ito sa Naga City na may 18. 

Binigyan diin ni Dizon ang naturang bilang ay wala pa sa kalahati ng mga loose firearms na hawak ng mga pribadong indibiduwal at grupong kriminal kung kaya mas lalong papaigtingin ng mga pulis at Commission on Elections ang kanilang operasyon upang mabawi ang mga ito at masiguro ang matahimik na halalan sa Mayo, 2025. Maliban sa mga search warrant operations, Oplan Katok at iba pa, ay maglulunsad sila ng malawakan at random Comelec-PNP checkpoints sa buong rehiyon. 

Sinabi naman ni Atty.Valeza, na may ilang nasampahan na ng kaso at na­ging convicted sa rehiyon na lumabag sa Comelec gun ban kaya patuloy sila sa panawagang isurender na ang mga hindi dokumentadong baril na hawak ng ilang indibiduwal lalo na at magsisimula ang gunban sa Enero 12 at tatagal hanggang Hunyo 11. 

Ilang lugar pa sa Kabikolan ang minomonitor na posibleng isailalim sa election hotspots o areas of concern.

Show comments