MANILA, Philippines — Nakapagtala ulit ng bagong phreatic eruption ang Bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas kahapon ng umaga.
Pang-tatlong araw na itong naitala sa Bulkang Taal makaraang magkaroon ng magkasunod na minor phreatic eruption sa bulkan nitong nagdaang Huwebes at Biyernes.
Kahapon, bukod sa bagong phreatic eruption na may anim na minuto ang tinagal ay nagkaroon din ng volcanic earthquakes kabilang ang 3-volcanic tremors na naramdaman ng may dalawa hanggang anim na minuto.
Nagluwa rin ang Mt. Taal ng 6,307 tonelada ng asupre at 1,200 metrong taas ng malakas na pagsingaw na napadpad sa may timog-kanluran ng bulkan
Nagkaroon pa ng pangmatagalang pag-impis ng kalakhang Taal Caldera na may panandaliang pamamaga ng gawing hilaga at timog silangang bahagi ng Taal Volcano Island (TVI)
Bunga nito, ipinagbabawal pa rin ng Phivolcs lalo na sa may Main Crater at Daang Kastila fissures ang pagpasok ng sinuman at ang pamamalagi sa may lawa ng Taal volcano gayunin ng paglipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa posibleng biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions, volcanic earthquakes, manipis na ashfall at pagbuga ng mga nakalalasong gas.
Sa kabila ng patuloy na pag-aalburoto, ang Bulkang Taal ay nananatiling nasa Alert Level 1 na nagsasaad ng mga abnormal na aktibidad sa bulkan.