Motor nag-counterflow: Magkumpare dedo sa AUV

Agad nasawi ang magkumpare na sakay ng motorsiklo nang mag-counterflow at sumalpok sa kasalubong na AUV kahapon ng madaling araw sa kahabaan ng General Trias Drive, Brgy. Tejero, Gen. Trias City, Cavite kahapon.

CAVITE, Philippines — Kapwa dead-on-the-spot ang magkumpare makaraang sumalpok ang kanilang sinasakyang motorsiklo na nag-counterflow sa kasalubong na AUV habang bumabagtas sa kahabaan ng General Trias Drive, Brgy Tejeros Convention, bayan ng Rosario, dito, kahapon ng madaling araw.

Tumilapon ang dalawang biktima sa lakas ng salpukan na sina alyas “Isagani”, 26 anyos, ­mangingisda, ­driver at angkas nito na si alyas “Raymond”, 32- anyos gasoline boy; ­kapwa residente ng Ligtong 1, Rosario, Cavite.

Sa ulat ng pulisya, alas-4 ng madaling araw habang magkaangkas ang magkumpareng ­biktima sa Rusi motorcycle na kulay asul at bumabagtas sa nasabing lugar nang bigla silang nag-counter flow at nag-overtake sa nauunang sasakyan.

Dahil sa may kabilisan ang takbo ng magkumpare, tuluy-tuloy silang sumalpok sa kasalubong na Isuzu AUV na may plate No. UV DGX 604 na minamaneho ni alyas “Jonison,” 32, ng Brgy. Plaza San Isidro, Ligtong 1, Rosario, Cavite.

Sa tindi ng banggaan, wasak ang sinasakyang motorsiklo at kapwa tumilapon ang mga biktima na naging dahilan ng agarang kamatayan ng dalawa.

Show comments