Suspek sa pagpatay sa lady resort owner sa Batangas, nasakote

CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Nasakote sa Calapan City, Oriental Mindoro ang pangunahing suspek sa brutal na pagpatay sa isang ginang na may-ari ng resort sa Bauan, Batangas noong Hunyo.

Kinilala ang naares­tong suspek na si Rolando Mauro, 42, alyas Lando, residente ng Barangay Sto. Niño, Calapan City, Oriental Mindoro.

Ayon kay Lt Col. Ryan Hernandez, hepe ng Bauan police, na nitong Sabado dakong alas-7:24 ng gabi nang maaresto ang suspek sa pamamagitan ng warrant of arrest para sa pagpatay sa biktimang si Carmen Maranan na ang bangkay ay natuklasan ng kanyang anak na nakahandusay sa kanilang resort sa Sitio Gintuan sa Barangay Durungao matapos na hampasin ng flower vase.

Walang piyansang inirekomenda para sa pansamantalang kalayaan ng salarin na tinaguriang number 2 sa Regional Most Wanted Person of the Calabarzon Region.

Nabatid na nagtago ng anim na buwan ang suspek sa iba’t ibang lugar sa ­Oriental Mindoro matapos mangyari ang krimen sa Barangay Durungao sa Bauan, Batangas na kung saan ay nagpalabas ng P500,000 reward money si Mataas na Kahoy vice-mayor Jay Ilagan, para sa pagkakaaresto sa suspek.

Sinabi ni Ilagan na personal niyang iniabot kahapon ang kanyang pledge reward money na P500,000 sa impormante o tipster na nagbigay ng mahahalagang impormasyon sa kinaroroonan ng lokasyon ng suspek sa mga otoridad.

Show comments