VM bilang acting mayor, may legal na basehan – DILG

Sa 45-days suspension ng Infanta mayor

INFANTA, Quezon, Philippines — Pinawi na ng Department of Interior and Local Government (DILG) Region IV-A ang kalituhan ng mga residente ng Infanta, Quezon kaugnay sa usapin kung sino ang pansamantalang uupo bilang alkalde ng naturang bayan.

Binigyang linaw ng DILG na may legal na basehan ng pag-akto o pag-upo bilang pansamantalang punong bayan si Vice Mayor LA Ruanto sa Infanta matapos patawan ng 45 araw na preventive suspension si Mayor Filipina Grace America ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon.

Magugunita na sa kabila ng kautusan na inilabas sa pamamagitan ng Memorandum Order No. 427 series of 2024 ni Gov. Doktora Helen Tan base sa Sangguniang Panlalawigan Provincial Resolution No. 2024-295 ay tumanggi si Mayor America na sundin ang kautusan na pansamantalang bumaba sa puwesto dahil umano sa sariling interpretasyon mula sa kanyang abogado.

Bunsod nito, agad sumulat si Ruanto sa DILG Region IV-A kung sino sa pagitan niya at ni America ang dapat mag-assume na punong ehekutibo ng Infanta dahil sa ipinataw na preventive suspension order laban kay America.

Sa sagot na liham ng DILG Region IV-A, binigyang diin na may legal na karapatang umaktong pansamantalang punong bayan si Vice Mayor Ruanto dahil sa pagkabakante ng naturang posisyon sa loob ng 45 araw base sa itinatadhana ng Local Government Code.

Matatandaan, sinuspinde si Ame­rica dahil sa isinampang Administrative Case No. 2024-04 na Grave Misconduct in Office, Dereliction of Duty under Section 60 (c) at Grave Abuse of Authority, ng mga konsehal na sina Mannie America, Sherwin Avellano at Kirk Gurango nang bigyan ng business permit ng alkalde ang isang sabungan kahit wala itong prangkisa na dapat ay aprubado ng Sangguniang Bayan (SB).

Show comments